🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Martes, Nobyembre 11, 2025
Tuesday of the 32nd Week in Ordinary Time (I)
UNANG PAGBASA
Karunungan 2, 23-3, 9
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay,
kundi para maging larawan niyang buhay.
Ngunit dahil sa pakana ng diyablo,
nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.
Ngunit ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos,
at di sila makararanas ng kamunti mang pahirap.
Sa akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay;
iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan,
At ang pagpanaw nila ay tuluyang paglaho,
ngunit ang totoo, sila’y nananahimik na.
Bagamat sa tingin ng tao sila’y pinarusahan,
ngunit ang totoo, sila’y nasa buhay na walang hanggan.
Ang kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala.
Napatunayan ng Diyos na sila’y karapat-dapat.
Sila’y kanyang sinubok, tulad ng ginto sa tunawan,
kaya’t sila’y tinanggap niyang parang handog na sinusunog.
Pagdating ng Panginoon para gantimpalaan ang mga banal,
magniningning silang parang ningas ng nagliliyab na dayami.
Sila ang mamamayani sa mga bansa sa daigdig,
at ang Panginoon ang maghahari sa kanila magpakailanman.
Ang mga nagtitiwala sa kanya ay makauunawa sa katotohanan ng kanyang pamamaraan.
At ang mga naging tapat sa kanya ay mamumuhay na kasama niya sa kanyang pag-ibig,
sapagkat siya’y mabuti at maawain sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 16-17. 18-19
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
Panginoo’y aking laging pupurihin,
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid
at ang taghoy nila’y kanyang dinirinig
nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 7-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi! Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Reflection: “Tapat sa Maliit, Mapagkakatiwalaan sa Malaki”
Mga Pagbasa:
Karunungan 2, 23–3, 9
Salmo 33
Lucas 17, 7–10
Mga ka-Tinapay ng Buhay at mga Kaptid ko kay Kristo, kapag pinagmuni-munihan natin ang mga pagbasa ngayon, parang pinagtagpo ng Diyos ang dalawang magkaugnay na katotohanan: ang buhay na walang hanggan ng mga matuwid, at ang kababaang-loob ng mga lingkod ng Panginoon.
Ang Buhay na Walang Hanggan ay Hindi Katapusan, Kundi Simula
Mga kapatid ko sa Pananampalataya, sabi sa unang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan, “Ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos, at di sila makararanas ng kamunti mang pahirap.”
Napakaganda ng katagang ito at nagbibigay ito ng pag-asa sa ating lahat na nagsisikap mamuhay nang tapat, kahit sa gitna ng mga pagsubok.
Sa kasalukuyang panahon o mundo natin, tila parang panalo ang masama, at talo ang tapat. Ngunit sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: ang tunay na tagumpay ay hindi nakikita dito sa lupa, kundi sa piling ng Diyos.
Mga Kapatid, ang mga matuwid ay parang ginto na sinusubok sa apoy, pero pagkatapos ng pagsubok, mas nagiging dalisay, mas nagniningning.
Mga kapatid, kung dumaraan ka ngayon sa mga paghihirap, dapat huwag mong isipin na pinarurusahan ka ng Diyos.
Baka sinusubok ka lang Niya, upang lalo kang maging matatag at karapat-dapat sa Kanyang gantimpala.
Tulad ng sinasabi ng aklat ng Karunungan, “Ang kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala.”
Ang Puso ng Isang Lingkod
Mga Ka-Tinapay ng Buhay at mga kapatid ko kay Kristo, sa Ebanghelyo naman (Lucas 17:7–10), tila matigas ang pahayag ni Hesus.
Sabi Niya, “Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
Kung titingnan sa unang basa, parang malamig o mabigat pakinggan. Pero ang totoo, ito’y paanyaya sa tunay na kababaang-loob.
Sa ating panahon, gusto natin ng parangal, papuri, at pag-appreciate sa lahat ng ating ginagawa.
Gusto natin marinig ang “salamat,” “ang galing mo,” o “ang bait mo.”
Ngunit sinasabi ni Hesus: “Ang tunay na lingkod ay hindi naghahanap ng gantimpala, sapagkat ang kanyang kagalakan ay nasa paglilingkod mismo.”
Ang mga banal na nauna sa atin na gaya nina San Francisco ng Assisi, Santa Teresa ng Calcutta, at iba pang mga tapat na lingkod sila ay naglingkod hindi para sa sarili, kundi dahil mahal nila ang Diyos.
Ang kababaang-loob nila ang siyang nagbigay ng liwanag sa kanilang paglilingkod.
Ang Tapat na Lingkod ay Nakikibahagi sa Kaluwalhatian ng Diyos
Mga kapatid ko Kay Kristo, pinagtagpo ngayon ng dalawang pagbasa ang tapat na paglilingkod at gantimpala ng buhay na walang hanggan.
Ang matuwid at mapagpakumbabang lingkod, na naglingkod nang walang hinihinging kapalit, ay siyang tatanggap ng gantimpalang walang hanggan.
Kapag natutunan nating gawin ang ating tungkulin dahil mahal natin ang Diyos at hindi dahil may kapalit,
kapag naglilingkod tayo kahit walang nakakakita,
kapag nagpupuri tayo sa Diyos kahit may sugat ang puso natin ay
doon natin nararanasan ang tunay na kabanalan.
At sa huli, kapag tayo’y pumanaw na, makakasama natin ang mga “nasa kamay ng Diyos” sila
ang mga taong naging tapat, mapagpakumbaba, at puspos ng pananampalataya.
Personal Reflection
Ngayon mga Kapatid, tanungin natin ang ating sarili:
- Ginagawa ko ba ang aking tungkulin bilang Kristiyano dahil gusto kong mapuri o dahil mahal ko ang Diyos?
- Marunong ba akong maglingkod nang tahimik, kahit walang nakakakita?
- Nakikita ko ba ang bawat gawaing maliit bilang paraan ng paglilingkod sa Panginoon?
Sa pagtatapos, alalahanin natin:
Ang tunay na kababaang-loob ay hindi kawalan ng halaga, kundi pagkilala na ang lahat ng kabutihan na ating nagagawa ay galing sa Diyos.
At kapag ganito tayo mamuhay, magiging totoo sa atin ang mga salita mula sa Unang Pagbasa:
“Ang mga nagtitiwala sa Kanya ay mamumuhay na kasama Niya sa Kanyang pag-ibig.”
Panalangin
Panginoon, turuan Mo akong maglingkod nang tapat,
hindi para mapuri o gantimpalaan,
kundi dahil ito ang dapat gawin ng isang anak ng Diyos.
Gawin Mo akong tapat sa maliit, mapagpakumbaba sa lahat,
at mapuno ng pag-ibig na naglilingkod nang tahimik.
Amen.
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

