🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Miyerkules, Oktubre 15, 2025
Memorial of St. Teresa of Jesus, Virgin and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Roma 2, 1-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, palibhasa, ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayun. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa niyon. Akala mo ba’y makaiiwas ka sa hatol ng Diyos kung hatulan mo ang mga gumagawa ng mga maling gawaing ginagawa mo rin? O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya’y napakabuti, mapagpigil, at mapagpaumanhin? Hindi mo ba alam na binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at magbagong-buhay kaya napakabuti niya sa iyo? Ngunit dahil sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, pinabibigat mo ang parusang ipapataw sa iyo sa paghahayag ng poot ng Diyos sa Araw ng kanyang paghatol. Sapagkat siya ang gaganti sa lahat ng tao ayon sa kanyang gawa. Ang mga nagpapatuloy ng paggawa ng mabuti sa paghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Datapwat matinding galit at poot ang babagsak sa mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kalikuan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayun din ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una, ang mga Judio at gayun din ang mga Griego. Sapagkat ang Diyos ay di nagtatangi.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 61, 2-3. 6-7. 9
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Sa Diyos lamang ako tanging umaasa;
ang kaligtasa’y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa’y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Mga kababayan, sa lahat ng oras
magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo’y dinaranas;
Siya ang kublihang sa ati’y lulunas.
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 42-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo, mga Pariseo! Ibinibigay niyo ang ikapu ng yerbabuena, ng ruda, at ng iba pang gulayin, ngunit kinaliligtaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Tamang gawin ninyo ito nugnit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang mga iba.
“Kawawa kayo, mga Pariseo! Sapagkat ang ibig ninyo’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang pagpugayan kayo sa mga liwasang bayan. Sa aba ninyo! Sapagkat para kayong mga libingang walang tanda, at nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
Sinabi sa kaya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi mong iyan pati kami’y kinukutya mo.” At sinagot siya ni Hesus, “Kawawa rin kayo mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mabibigat na dalahin, ngunit ni daliri’y ayaw ninyong igalaw sa pagdadala ng mga iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
PAGNINILAY: “Ang Tunay na Kabanalan ay Nasa Puso”
Ang mensahe ni Hesus sa mga Pariseo ay malinaw at matalim — hindi sapat ang panlabas na kabanalan. Maaari tayong magbigay ng ikapu, magdasal, at magpakita ng debosyon, ngunit kung wala sa puso ang katarungan at pag-ibig ng Diyos, hungkag ang lahat ng ito.
Si San Pablo naman sa unang pagbasa ay nagbabala sa mga mapaghusga: “Sino ka mang humahatol sa iba, hinahatulan mo rin ang sarili mo.” Ang totoong banal ay hindi nagmamalinis; siya ay nagpapakumbaba, dahil alam niyang lahat tayo ay nangangailangan ng awa ng Diyos.
Ngayon, ipinagdiriwang din natin si Santa Teresa ng Jesus (St. Teresa of Ávila) — isang dakilang babaeng mistiko, madre, at Doctor of the Church. Sa kanyang mga sulat at aklat gaya ng The Interior Castle, itinuro niya na ang daan patungo sa Diyos ay hindi sa panlabas na anyo, kundi sa panloob na pakikipagtagpo sa Diyos sa katahimikan ng puso.
Tunay na kabanalan ay hindi sa dami ng ating ritwal kundi sa lalim ng ating pagmamahal.
Tunay na pananampalataya ay nakikita sa awa, katarungan, at malasakit sa kapwa.
Tunay na pagsunod sa Diyos ay ang pagtulong, pag-unawa, at pagpapatawad sa halip na paghusga.
Sa panahon ngayon, madali tayong maging tulad ng mga Pariseo — mabilis humusga, mabagal umunawa. Ngunit si Hesus ay nag-aanyaya: “Ipamahagi mo muna sa mga dukha ang laman ng iyong puso, at magiging malinis ka.”
PERSONAL REFLECTION
- Nakatuon ba ako sa panlabas na kabanalan o sa tunay na pagbabago ng puso?
- Mayroon ba akong hinuhusgahan nang hindi ko muna inunawa?
- Paano ko mas mapapaigting ang awa at malasakit sa aking kapwa?
Munting Hamon:
Ngayong araw, piliin nating magpakumbaba. Iwasan nating manlait o humusga. Sa halip, magdasal para sa mga taong nahihirapan at nagkakamali. Doon nagsisimula ang tunay na kabanalan — sa pusong marunong magmahal.
Manalangin Tayo
Panginoon, turuan mo akong maging tapat sa Iyo hindi lamang sa salita kundi sa gawa.
Linisin mo ang aking puso sa kayabangan at pagmamatuwid.
Gawin mo akong kasangkapan ng Iyong awa at kapayapaan.
Tulungan mo akong matutong magmahal gaya ni Santa Teresa ng Jesus —
tahimik ngunit totoo, simple ngunit malalim.
Amen.
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

