🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Lunes, Oktubre 13, 2025
Monday of the Twenty-eighth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 1, 1-7
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
Ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Reflection
Theme: “Higit sa Palatandaan ang Pagtugon ng Puso sa Pananampalataya”
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagtuturo sa atin ng isang napakahalagang katotohanan: hindi sapat ang mga palatandaan o himala upang tayo’y manampalataya. Katulad ng sinabi ni Hesus, “Walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaan ni Jonas.”
Ang ibig sabihin nito, ang tunay na paniniwala ay hindi nakasalalay sa mga bagay na nakikita kundi sa pagtugon ng puso sa Salita ng Diyos.
Ang mga taga-Ninive ay naniwala sa pangangaral ni Jonas at nagsisi. Ngunit sa panahon ni Hesus, kahit nakikita na nila ang Anak ng Diyos mismo, marami pa rin ang tumanggi. Ipinapakita nito na ang pinakamalaking himala ay ang pagbabagong-buhay ng isang taong nagsisisi at bumabalik sa Diyos.
Sa ating buhay, madalas din tayong naghahanap ng “palatandaan mula sa langit”—isang agarang sagot sa panalangin, isang himalang pisikal, o malinaw na patunay ng pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang tunay na pananampalataya ay nakikita sa katapatan sa gitna ng katahimikan, sa pagtitiwala kahit walang nakikita, at sa pagsunod kahit mahirap.
Hilingin natin sa Panginoon na magkaroon tayo ng pusong bukas, handang makinig at tumugon, hindi lang sa mga palatandaan, kundi sa Kanyang Salita na araw-araw nating naririnig.
Personal Reflection
- Ako ba ay naghahanap pa rin ng mga himala upang patunayan na tunay ang Diyos?
- O ako ba ay handang manampalataya kahit walang nakikitang tanda?
- Tulad ng mga taga-Ninive, tinatanggap ko ba ang tawag ng Diyos na magbago at sumunod sa Kanya?
Minsan, ang pinaka-malinaw na tanda ng presensya ng Diyos ay ang kapayapaan sa ating puso kapag tayo ay nagsisisi at tumatanggap sa Kanya nang buong puso.
Manalangin Tayo
Panginoon, turuan mo akong manampalataya hindi dahil sa mga himala, kundi dahil sa iyong Salita. Tulungan mo akong makita ang iyong presensya sa mga simpleng pangyayari ng araw-araw.
Katulad ni Jonas na tumugon sa iyong tawag, at ng mga taga-Ninive na nagsisi, nawa’y maging tapat din ako sa pagtugon sa iyong panawagan.
Amen. 🙏
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

