🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Lunes, Oktubre 6, 2025
Monday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Bruno, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Jonas 1, 1 – 2, 1. 11
Ang simula ng aklat ni propeta Jonas
Sa lipi ni Zabulon ay may isang lalaking Jonas ang pangalan. Siya ay anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ng Panginoon: “Pumunta ka sa Ninive, ang malaking lungsod at pangaralan mo ang mga tagaroon sapagkat suko na sa langit ang kanilang kasamaan.” Sa halip na sumunod, ipinasiya ni Jonas na magtago sa Tarsis sapagkat inaakala niyang malayo na iyon sa Panginoon. Kaya, nagtungo siya sa Joppe at humanap ng barkong papunta sa Tarsis. Nang maibigay niya ang kaukulang upa, sumakay siya sa bapor, kasama ng mga tripulante. Ngunit nang sila’y nasa laot na, nagpalitaw ng malakas na bayo ang Panginoon. Anupat halos mawasak ang barko. Dahil dito, sinidlan ng matinding takot ang mga tripulante kaya bawat isa’y nanalangin sa kanyang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.
Nakita siya ng kapitan at ginising, “Hoy, tulog ka nang tulog diyan! Bumangon ka at manalangin sa diyos mo, baka sakaling kaawaan at iligtas sa kamatayan.”
Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magsapalaran tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayun nga ang ginawa nila at nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya’t siya’y kinausap nila, “Nagsapalaran kami para malaman kung sino ang may kasalanan at ikaw ang nabunot. Ano ba ang ginagawa mo rito? At tagasaan ka?”
“Ako ay Hebreo,” sagot ni Jonas. “Nananalig ako sa Panginoon, ang Diyos ng kalangitan, ang lumikha ng dagat at ng lupa.”
Bago pa ito nangyari, sinabi ni Jonas na pinagtataguan niya ang Panginoon. Kaya sa malaking takot, pahilakbot nilang sinabi kay Jonas, “Napakalaki ng ginawa mong kasalanan!”
Lalong lumakas ang bagyo, kaya si Jonas ay kinausap uli ng tripulante, “Ano ang ibig mong gawin namin sa iyo para pumayapa ang dagat?”
“Ihagis ninyo ako sa dagat sapagkat alam kong ako ang dahilan ng nagngingitngit na bagyong ito,” sagot niya.
Pinipilit sana ng mga tripulante na itabi ang bapor, ngunit wala silang magawa sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. At nanalangin sila ng ganito: “Panginoon, nawa’y huwag ninyo kaming parusahan o ibilang na mamamatay-tao sa gagawin namin sa taong ito yamang kayo na rin ang nagpahiwatig ng dapat naming gawin.” Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. At bigla itong pumayapa. Dahil dito, sinidlan sila ng matinding takot sa Panginoon kaya’t naghandog sila at namanata sa kanya.
Ang Panginoon naman ay nagtalaga roon ng isang dambuhalang isda. Nilulon nito si Jonas; siya’y nanatiling tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng isda.
Nang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya.
Kinausap ng Panginoon ang isda, at si Jonas ay iniluwa nito sa dalampasigan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Jonas 2. 2. 3. 4. 5. 8
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
Nang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya:
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
“Poon, nang ako’y nasa kagipitan,
nanalangin ako sa iyo, at sinagot mo ako;
mula sa kalalimang walang katulad,
ako’y tumawag sa iyo, at dininig mo ako.
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
Inihulog mo ako sa pusod ng dagat:
napadpad ako sa laot ng karagatan at
natabunan ng malalaking alon.
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
Sinabi ko: ‘Nalayo ako sa iyo,
kailan ko kaya makikita uli ang banal mong templo?’
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
Nang maramdaman kong mapupugto
na ang aking hininga, naalaala kita, Poon.
Ako’y dumaing, at narinig mo ako mula
sa iyong banal na templo.
Sa tiyak na kamatayan
ako’y ipinagsanggalang.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Reflection
Mga kapatid, sa ating mga pagbasa ngayon, makikita natin ang dalawang mahalagang tema: pagsunod sa tawag ng Diyos at ang pagmamahal sa kapwa.
Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni Jonas, nakita natin ang kwento ng isang propeta na tumangging sumunod sa Diyos. Sa halip na pumunta sa Ninive at magbigay babala sa mga tao tungkol sa kasamaan nila, nagtakbuhan si Jonas patungong Tarsis. Ngunit hindi niya matakasan ang Diyos. Ang bagyo at panganib sa dagat ay nagpaalala sa kanya na ang Diyos ay laging may plano, at Siya’y mapagmahal na nagtutuwid. Sa kabila ng takot at pagkakasala, binigyan pa rin siya ng Diyos ng pagkakataong bumalik sa tamang landas, at iniligtas siya ng isang dambuhalang isda.
Mga kapatid, sa buhay natin, madalas din nating gustong iwasan ang tawag ng Diyos—marahil dahil sa takot, pag-aalinlangan, o kahihiyan. Ngunit tulad ni Jonas, ang ating pananalig at pagtitiwala sa Diyos ay magdadala sa atin sa kaligtasan. Ang panalangin ni Jonas sa tiyan ng isda ay nagpapaalala na sa gitna ng kagipitan, makakamtan natin ang kaligtasan kung aasa tayo sa Diyos.
Sa Ebanghelyo naman, ipinakita ni Hesus ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa. Ang kuwento ng Mabuting Samaritano ay nagtuturo na ang ating kapwa ay hindi lamang yaong kaibigan o kakilala natin, kundi sinumang nangangailangan ng tulong. Ang tunay na pananampalataya ay nasusukat sa gawa ng kabutihan at habag sa ating kapwa, hindi lamang sa panalangin o ritwal. Tulad ng Samaritanong nagpakita ng habag, tayo rin ay tinatawag na kumilos, tumulong, at magmahal nang walang paghihintay ng kapalit.
Mga kapatid, dalawang mahalagang aral ang ating matatamo: una, ang pagsunod sa Diyos ay hindi laging madali, ngunit ito’y magdadala sa atin sa kaligtasan; pangalawa, ang ating pananalig ay dapat na maipakita sa gawa—lalo na sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sa ating pang-araw-araw na buhay, paano natin isinasabuhay ang pagtitiwala sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa? Handa ba tayong maging instrumento ng awa at kabutihan tulad ng Mabuting Samaritano?
Personal Reflection
Nakikita mo ba ang mga pagkakataon kung saan tumatakas ka sa tawag ng Diyos dahil sa takot o pag-aalinlangan? Paano ka magtitiwala nang higit sa Kanya?
Paano mo maipapakita ang habag at kabutihang-loob sa iyong pamilya, kaibigan, o kapwa kahit sa maliliit na paraan?
Ano ang mga “bagyo” sa iyong buhay na nagpapaalala na kailangan mong humarap sa Diyos at sa iyong responsibilidad sa kapwa?
Panalangin
Panginoon, turuan Mo kaming maging matapat sa Iyong tawag, na lumapit sa Iyo sa gitna ng aming takot at pangamba. Gabayan Mo kami upang makita ang aming kapwa na nangangailangan ng tulong, at maging instrumento ng Iyong habag at pag-ibig. Palakasin Mo ang aming pananalig at pagtitiwala, upang sa bawat pagkakataon ay kami’y maging katulad ni Jonas at ng Mabuting Samaritano—tapat, mapagmahal, at handang kumilos ayon sa Iyong kalooban. Amen.
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

