🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Sabado, Oktubre 4, 2025
Memorial of St. Francis of Assisi (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Baruc 4, 5-12. 27-29
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc
Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan. Dahil sa inyo, buhay pa ang bansang Israel. Ipinagbili kayo sa mga dayuhan hindi upang lipulin. Ipinasakop kayo sa iba pagkat ginalit ninyo ang Diyos. Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kanya, nilait ninyo ang sa inyo’y lumikha. Kinalimutan ninyo ang Diyos na sa inyo’y nag-alaga sa pasimula, at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo’y nag-aruga. Nakita ng Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo at kanyang sinabi, “Mga kalapit-bayan ko, ako’y pinararanas ng Diyos ng matinding hirap. Ang mga mamamayan ko’y ipinabihag ng Walang Hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway. Maligaya ko silang pinalaki ngunit nanangis ako sa dalamhati nang sila’y kunin sa akin. Huwag sanang ikagalak ninuman ang aking kasawian. Naiwan akong nangungulila dahil sa pagkakasala ng aking mga mamamayan. Tinalikdan nila ang Kautusan ng Diyos at ako’y naging isang bayang wasak at tiwangwang.
“Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak. Tumawag kayo sa Diyos. Pinarusahan nga niya kayo, ngunit hindi niya kayo pababayaan. Noon, kayo ay lumayo sa kanya. Ngayon nama’y manumbalik kayo at maglingkod sa kanya nang buong pagsisikap. Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito ang siya ring magkakaloob sa inyo ng tuwang walang katapusan pag kayo’y iniligtas na niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 33-35. 36-37
Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata’t naroong nilikha.
Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.
Ang Lungsod ng Sion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda’y muling itatatag:
doon mananahan ang mga hinirang,
ang lupain doo’y aariing tunay.
Magmamana nito’y yaong lahi nila
may pag-ibig sa Diyos ang doo’y titira.
Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”
“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Reflection
Unang Pagbasa (Baruc 4, 5-12. 27-29).
Ang mensahe ng propeta ay puno ng pag-asa sa kabila ng parusa. Ipinaalala niya na ang kahirapan at pagkawasak ng Israel ay hindi huling hantungan, kundi bunga ng kanilang paglayo sa Diyos. Ngunit ang parehong Diyos na nagparusa ay Siya ring magbibigay ng kaligtasan. Ang panawagan: “Lakasan ninyo ang inyong loob… Tumawag kayo sa Diyos… manumbalik kayo at maglingkod sa kanya.” Ito ang tinig ng awa ng Diyos—hindi Niya tayo iiwanan kung tayo’y tapat na babalik sa Kanya.
Salmo (Awit 68).
Dito natin narinig ang pag-asa ng mga aba at mga dukha. Ang Diyos ay hindi lumilimot sa Kanyang mga lingkod. Kahit sa gitna ng kawalan, ng pagkabigo, ng kasawian, ang mga may pananampalataya ay may kasiguruhan: “Dinirinig ng Maykapal ang mga may kailangan.”
Ebanghelyo (Lucas 10, 17-24).
Tuwang-tuwa ang mga alagad sa kanilang tagumpay laban sa masasamang espiritu. Ngunit pinaalala ni Hesus na ang tunay na dahilan ng kagalakan ay hindi ang kapangyarihan, kundi ang katotohanang nakatala ang kanilang pangalan sa langit. Higit pa rito, ipinahayag ni Hesus ang galak na mula sa Espiritu Santo: ang mga lihim ng kaharian ng Diyos ay hindi sa marurunong at makapangyarihan ibinunyag, kundi sa mga mapagpakumbaba—yaong may pusong tulad ng sa bata.
Ugnay kay San Francisco ng Assisi
Ang mga pagbasa ngayon ay akmang-akma sa alaala ni San Francisco ng Assisi, ang taong iniwan ang lahat ng kayamanan at karangyaan upang mabuhay nang simple at malapit sa Diyos. Katulad ng Ebanghelyo, nakita ni San Francisco na ang tunay na kagalakan ay hindi sa kayamanan o kapangyarihan, kundi sa pagiging anak ng Diyos at sa paglilingkod nang may kababaang-loob.
Siya’y naging buhay na halimbawa ng Awit: “Dinirinig ng Maykapal ang mga may kailangan.” Dahil siya mismo ay naging mahirap kasama ng mga mahihirap, at sa kanyang pagiging aba, natagpuan niya ang tunay na kayamanan—ang pag-ibig ni Kristo.
Personal Pagninilay para sa Buhay
- Ako ba’y madaling panghinaan ng loob kapag dumadaan sa pagsubok, o kaya ko bang panghawakan ang pag-asa na “ang Diyos na nagparusa ay Siya ring magliligtas”?
- Ano ang nagbibigay sa akin ng kagalakan? Tagumpay, kayamanan, kapangyarihan—o ang kasiguruhan na nakatala ang aking pangalan sa langit?
- Paano ko maisasabuhay ang halimbawa ni San Francisco—ang pagiging mapagpakumbaba, mapagmahal sa kapwa, at may simpleng pamumuhay na nakatuon sa Diyos?
Manalangin tayo
Panginoon, sa paggunita kay San Francisco ng Assisi, turuan Mo kaming magmahal nang simple, mamuhay nang may kababaang-loob, at magtiwala nang lubos sa Iyo. Tulungan Mo kaming makita na ang tunay na kagalakan ay hindi sa kapangyarihan o karangyaan, kundi sa pagkilala na kami’y mga anak Mo, nakatala sa langit. Amen. 🙏
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.


