🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Miyerkules, Nobyembre 5, 2025
Wednesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 13, 8-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, “Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,” at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 4-5. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
ALELUYA
1 Pedro 4, 14
Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung, may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos – siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Reflection: Ang Tunay na Pag-ibig ay Pagsuko sa Diyos
Wednesday of the Thirty-First Week in Ordinary Time
Mga Pagbasa: Roma 13:8-10; Salmo 111; Lucas 14:25-33
Mga Ka-Tinapay ng Buhay at mga kapatid ko Kay Kristo,
Ang mga pagbasa natin ngayon ay nagtuturo sa atin ng isang simpleng aral na napakahirap isabuhay: ang tunay na pag-ibig ay may kasamang sakripisyo at pagsuko.
“Ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.” (Roma 13:8)
Sa unang pagbasa mula kay San Pablo, mga kapatid, malinaw niyang sinasabi: kung tunay kang umiibig, natutupad mo na ang buong batas. Hindi mo kailangang kabisaduhin lahat ng utos kung ang laman ng puso mo ay pag-ibig.
Ang hindi nangangalunya, hindi pumapatay, hindi nagnanakaw ay hindi dahil takot sa parusa, kundi dahil ayaw niyang masaktan ang kapwa.
Mga Kapatid, ang taong umiibig ay hindi gumagawa ng masama.
Ang taong may pag-ibig ay hindi lang mabait kundi siya ay makatarungan, mahabagin, at may malasakit.
Pero ito rin ang malaking hamon: madali nating sabihin “Mahal ko ang Diyos,” pero madalas, nahihirapan tayong mahalin ang kapwa natin, lalo na kapag sila’y mahirap mahalin.
Ang kapitbahay na chismoso, ang ka-trabahong pasaway, ang kamag-anak na laging humihingi pero hindi marunong magpasalamat.
Doon sinusubok ang tunay na pag-ibig.
Hindi sa magagandang sandali, kundi sa mga panahon ng pagod, sakit, at pagkadismaya.
“Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:27)
Mga katinapay at mga Kapatid, ang Ebanghelyo naman ay tila mahigpit.
Parang sinasabi ni Jesus: “Kung hindi mo kayang isuko ang lahat, hindi ka karapat-dapat sa Akin.”
Matigas pakinggan, pero hindi ito pagbabawal kundi ito ay paanyaya.
Paanyaya na mahalin Siya nang buo, hindi kalahati.
Kapag sinabi ni Jesus, “Talikuran ang lahat,” hindi Niya sinasabing iwanan natin ang pamilya o ari-arian, kundi ilagay Siya sa pinakauna.
Sapagkat kapag Siya ang una, lahat ng iba ay nagkakaroon ng tamang lugar.
Ang pamilya ay nagiging banal, ang trabaho ay nagiging paglilingkod, at kahit ang paghihirap ay nagiging daan ng grasya.
Isipin mo ang halimbawa ni San Martin de Porres.
Isa siyang anak ng isang alipin, at madalas siyang hamakin dahil sa kanyang lahi at pinagmulan.
Ngunit anong ginawa niya?
Hindi siya nagtanim ng galit. Sa halip, ibinuhos niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga may sakit, sa mga mahirap, sa mga walang boses.
Ang kanyang pag-ibig ay hindi salita, kundi gawa.
At dahil dito, siya ay naging tunay na alagad ni Kristo.
Pag-ibig na may Halaga
Kung tutuusin, madali ang magmahal kapag maganda ang kapalit. Pero ang tunay na pagmamahal ay sumusuko kahit walang kapalit.
Ito ang sinasabi ni Jesus sa atin ngayon:
Kung gusto mong maging alagad Ko, kailangang handa kang magbawas, hindi lang magdagdag.
Handang magsakripisyo, hindi lang magdemand.
Handang magpatawad, hindi lang humingi ng awa.
Ang krus na ito ay hindi laging mabigat. Minsan ito’y nasa simpleng bagay sa pagtitimpi, pag-unawa, o tahimik na pagtitiis.
Sa bawat araw na tayo’y nagmamahal kahit mahirap, kahit walang bumabalik, doon tayo nagiging tunay na Kristiyano.
Manalangin Tayo
Panginoon, turuan Mo kaming magmahal nang tulad Mo, na ang
Pag-ibig na hindi madamot, hindi takot sa sakit, hindi naghahanap ng kapalit.
Tulungan Mo kaming yakapin ang aming krus nang may tapang at kababaang-loob.
At nawa, sa bawat araw ng aming buhay, makita ng mundo na kami’y Iyong mga alagad, hindi sa aming mga salita, kundi sa aming mga gawa.
Amen.
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

