🕊️ Ang mga pagbasa sa ibaba ay bahagi ng opisyal na Liturgiya ng Salita sa Simbahang Katolika. Ibinahagi ito dito upang makatulong sa pagninilay ng mga mambabasa. Ang mga teksto ay hango sa Awit at Papuri.
Huwebes, Oktubre 2, 2025
Memorial of the Holy Guardian Angels (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 23, 20-23
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupain na aking inihanda sa inyo. Pakikinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya’y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag naghimagsik kayo sa kanya. Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amorreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Heveo at Jebuseo, at sila’y lilipulin ko.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 3-4. 5-6. 10-11
Mga anghel niyang banal
sa inyo ay susubaybay.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng kataas-taasan,
at nanatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ka’t tahanan,
ikaw ang kaning Diyos, ang Diyos na
tangi kong pinagtiwalaan.”
Mga anghel niyang banal
sa inyo ay susubaybay.
Ika’y iiligtas niya sa panganib sa umang na bitag,
at kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.
Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,
sa kalinga niya ay natitiyak mong ikaw ay ligtas;
Iingatan niya’t ipagsasanggalang pagkat siya’y tapat.
Mga anghel niyang banal
sa inyo ay susubaybay.
Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
maging sa gagawing biglaang paglusob pagsapit ng araw.
Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
di ka matatakot sa kasamaan mang araw kung dumating.
Mga anghel niyang banal
sa inyo ay susubaybay.
Di mo aabuting ika’y mapahamak, at walang daratal
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Susuguin niya ang maraming anghel, silang susubaybay,
kahit saang dako ikaw maparoon, tiyak iingatan.
Mga anghel niyang banal
sa inyo ay susubaybay.
ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay lagin nasa harapan ng aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Source: Awit at Papuri
Today’s Gospel Reflection
Bumabati po sainyong lahat ang inyong linkod ng isang Pinagpalang araw at nawa po ay ang lahat ay nasa mabuting kalagayan at sa tulong ng ating Anghel na Tagapagalaga ay lagi tayong Ligtas sa anumang sakuna.
Ngayong araw pong ito ay Inaalala nating ang Araw ng ating mga Banal na Anghel na tagapagala(Holy Guardian Angels),
ayun po sa ating unang pagbasa ay sinasabi sa banal na kasulatan na ang mga Banal na anghel na nangangalaga sa atin ay galing sa Diyos at dapat natin itong laging tawagin at sundin lagi ang kayang mga payo satin.
Ito ang sabi ng Panginoong Diyos, “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan,”
napakahalaga na lagi tayo manalangin sa ating mga Banal na Anghel na tagapag alaga, dahil sila ang inutusan ng Diyos bilang ating mga proteksyon at panangga sa anumang sakuna at papatnubayan nila tayo sa ating mga pupuntahan, kaya huwag natin bastusin or kaya naman wag tayong gagawa ng mga mahahalay laban sa ating mga Banal na anghel na tagapagalaga dahil sabi ng Diyos hindi tayo mapapatawad kung magkaganun,
“Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya’y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag naghimagsik kayo sa kanya,” kaya po kailangan nating sundin ang ating mga Banal na anghel na tagapangalaga kasi sila ay sa Diyos kailangan nating sundin sila kung gusto nating malitas sa lahat ng mga masa,
“Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway.” kaya po ang paanyayasatin sa unang pagbasa ay lagi nating sundin ang ating mga Guardian Angels kasi sila ay galing sa Diyos at sila ay pinadala ng Diyos para lagi tayong protektahan, “Pangungunahan kayo ng aking anghel.”
Sa ating Gospel naman hinihikayat tayo ng Panginoong JesuKristo na magpakababa maging humble na tulad sa isang bata, kung mapapansin natin ang isang bata ay hindi pa ganun karami ang alam, ibig sabihin ay lahat ng ininuturo sa kanya ng kanyang magulang ay mabilis nya itong ma absorb kasi hindi sila ma Pride hindi tulad ng iilan sa ating mga matatanda na ay akal natin alam na natin lahat, kapag may bago tayong naririnig na mga kaalaman ay hindi na natin minsan tinatanggap kasi pakiramdam natin alam na natin lahat, kuing hindi tayo magpapakababa tulad ng isang bata paano pa kaya natin tatanggapin ng buo ang mga salita ng Diyos kung pakiramdam natin alam na natin lahat, kumbaga full na ang ating kaalaman, alalahan natin na ang Salita ng Diyos ay ang Tinapay ng Buhay, ito ang araw-araw na pagkain ng ating mga kaluluwa at katawan para tayoy manatiling buhay sa paningin ng Diyos at hindi tayo mailayo sa kanya ng mga masasama, kaya nga po sabi ni Panginoong JesuKristo “Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos.” kailangan natin magpakababa at lagi nating buksan ang ating Puso at isipan para sa mga salita ng Diyos para tayo ay mabuhay sa kabanalan, kailangan nating magpakababa at tanggapin ang Magandang Balita ang Tinapay ng Buhay ng may kababang loob, dahil po ang sino mang tumatanggap sa isang bata ay tumatanggap sa Panginoong Diyos “Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.”
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay lagin nasa harapan ng aking Ama.”
Manalangin Tayo.
“Panginoon, bigyan Mo kami ng lakas upang tanggapin ang Iyong kalooban at mamuhay ayon sa Iyong Salita. Amen.”
🙏 Support Tinapay ng Buhay
Ang inyong munting tulong ay malaking biyaya upang magpatuloy ang aming layunin na
magbahagi ng Salita ng Diyos araw-araw.
“The Lord loves a cheerful giver.” (2 Cor 9:7)
📜 Ang lahat ng pagbasa ay hango sa opisyal na Lectionary ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Awit at Papuri. Ang layunin ng Tinapay ng Buhay ay makapagbigay ng pagninilay upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa Salita ng Diyos.

